Walang moral turpitude sa hindi paghahain ng ITR ni BBM– Comelec 1st Division
Tuloy na tuloy na ang kandidatura ni dating Senador Bongbong Marcos sa pagka-pangulo.
Ito ay matapos ibasura ng 1st Division ng Commission on Elections ang consolidated petitions na layong madiskuwalipika si Marcos sa presidential race.
Sa resolusyon na isinulat ni Commissioner Aimee Ferolino, nakasaad na si Marcos ay hindi convicted sa isang krimen na kinasasangkutan ng moral turpitude.
Binanggit rin sa resolusyon ang naging ruling ng SC sa petisyon noon kay Marcos na nais siyang madiskuwalipika bilang executor ng will ng kanyang ama kung saan pinagbatayan rin ang hindi nito paghahain ng tax return.
Pero sabi ng SC, ang kabiguang maghain ng income tax return ay hindi isang krimen na kinasasangkutan ng moral turpitude.
Kinatigan rin ni Commissioner Marlon Casquejo ang ponencia ni Ferolino sa kanyang separate concurring opinion.
Binanggit pa ng Comelec 1st Division na sa naging desisyon ng Court of Appeals sa tax case ni Marcos ay wala namang nakasaad ng parusang pagkabilanggo at sa halip ay pinagmulta lamang ito.
Sa section 12 ng Omnibus Election Code nakasaad na ang isang kandidato ay maaaring madiskuwalipika kung siya ay nahatulang mabilanggo nang mahigit 18 buwan o nahatulan sa krimeng sangkot ang moral turpitude.
Matatandaang ito rin ang naging basehan ng Comelec 2nd division nang ibasura naman ang petisyong makansela ang Certificate of Candidacy ni BBM dahil sa kaparehong alegasyon.
Pinuri naman ng kampo ni BBM ang desisyon ng poll body dahil sa pagpapatibay sa isinasaad ng batas at pagbasura sa nuisance petitions.
Madelyn Moratillo