Walo katao nasagip mula sa nadiskaril na cable car sa Pakistan
Walo katao ang nailigtas ng military helicopters at zipline experts kabilang ang anim na batang lalaking estudyante, na ilang oras na na-trap sa nadiskaril na cable car sa itaas ng isang remote Pakistan valley.
Nagsimula ang makapigil-hiningang rescue operation, nang ligtas na makuha ng rescuers na lulan ng isang helicopter ang dalawang bata makaraan ang halos 12 oras.
Pagkatapos ay ginamit ng mga rescuer ang kable na pumipigil sa gondola na bumagsak bilang isang zipline, upang iligtas ang iba pang mga na-stranded.
Sinabi ng emergency official na si Waqar Ahmad, “Once everyone had been rescued, the families started crying with joy and hugging each other. People had been constantly praying because there was a fear that the rope might break. People kept praying until the last person was rescued.”
Ayon kay Bilal Faizi, isang opisyal sa emergency service ng Pakistan, na dalawang adults ang huli nilang sinagip.
Aniya, nagtayo ng isang temporary camp ang rescuers sa itaas ng isang bundok, para makapagbigay sila ng first aid.
Papunta na sa paaralan ang anim na bata nang masira ang chairlift sa kalagitnaan ng paglalakbay nito, habang nakabitin sa ibabaw ng luntiang lambak ng Allai.
Gumamit ang mga residente ng mosque loudspeakers upang alertuhin ang neighbourhood officials tungkol sa emergency.
Bago ang rescue operation, ilang military helicopters ang nagtungo sa lugar, at isang airman ang nagdala ng pagkain, tubig at gamot sa mga sakay ng cable car.
Pinuri naman ni Prime Minister Anwaar-ul-Hag Kakar ang rescuers sa pagsasabing, “Great team work by the military, rescue departments, district administration as well as the local people.”
Una rito ay nagpalabas siya ng direktiba upang inspeksiyunin ang lahat ng chairlifts sa mabundok na mga lugar, at agad namang isara ang mga hindi na ligtas upang gamitin.
Sinabi ni Syed Hammad Haider, isang senior Khyber Pakhtunkhwa provincial official, na ang gondola ay nakabitin humigit-kumulang 1,000 hanggang 1,200 talampakan mula sa ibaba.
Ang mga cable car na nagdadala ng mga pasahero ay karaniwan sa hilagang bahagi ng lalawigan ng Khyber Pakhtunkhwa at Gilgit-Baltistan, at mahalaga sa pag-uugnay ng mga nayon at bayan sa mga lugar na hindi maaaring pagtayuan ng mga kalsada.