Walong Pinoy na biktima ng human trafficking sa Myanmar, dumating na sa bansa
Nakabalik na sa Pilipinas ang walong Pilipino na biktima ng human trafficking na nasagip ng mga otoridad at Embahada ng Pilipinas sa Myanmar.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), dumating sa bansa ang mga Pinoy ng 5:25 ng umaga nitong Lunes sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Kabilang sa mga dumating ang apat na lalaking Pinoy na nirecruit online mula sa Dubai para magtrabaho umano bilang customer support representatives sa Thailand.
Pero sa halip na sa Thailand ay dinala ang mga ito sa Myanmar at pinuwersa na manloko ng mga indibiduwal para mag- invest sa cryptocurrency.
Ang apat na iba pa na nakauwi na sa bansa ay ang apat na Pinay na ikinulong dahil sinasabing iligal na pumasok sa Myanmar mula sa Thailand.
Pinaalalahanan ng DFA ang mga Pinoy na iligal para sa mga dayuhan na tumawid sa Myanmar-Thai Friendship Bridge o tumawid ng ilog sa pagitan ng dalawang bansa.
Ang legal entry points para sa mga banyaga kabilang ang mga Pinoy ay sa Yangon, Mandalay, at Nay Pyi Taw airports.
Pinayuhan din ng DFA ang mga Pinoy na mag-ingat sa mga inaalok na trabaho sa social media upang hindi maging biktima ng illegal recruitment at human trafficking.
Moira Encina