Walong sangkot sa pagbebenta ng pekeng foreign currency, arestado sa Isabela
Arestado ang walo katao sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Tumauini Municipal Police Station (TMPS), sa Barangay District 3.
Ang mga naaresto ay miembro umano ng isang grupong sangkot sa syndicated estafa at pagbebenta ng mga pekeng US currency at bank notes.
Nagsanib pwersa ang CIDG Regional Field Unit 2 sa pangunguna ni Pol. Lt. Col. Julius Jacinto, TMPS sa pangunguna ni Pol. Maj. Rolando Gatan at Police Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa ilalim ng superbisyon ni Pol. Maj. Gen. Eugenio Mallillin para maisagawa ang operasyon, sa pakikipagtulungan ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Nakilala ang mga suspek na sina Minerva Roan, 53-anyos at residente ng San Pedro, Angono, Rizal na umano’y lider ng grupo na nagsasagawa ng operasyon sa National Capital Region (NCR), Region 4A at Region 2, Fe Borromeo, 67-anyos at residente ng Santo Nino, San Mateo, Rizal.
Kasama rin sa naaresto sina Monette Baronia, 41-anyos, residente ng District 3, Cauayan City, Isabela; Rowena de Guzman, 53-anyos, residente ng Quirino, Maria Aurora, Aurora; Michelle Quitalib, 63-anyos, byuda, residente ng District 3, Cauayan City, Isabela; Pilar Castillejo, 64-anyos, residente ng Nungnungan, Cauayan City, Isabela; Aji Marquez, 25-anyos, residente ng Sinimbaan, Roxas, Isabela; at Jay Maek Bredico, residente ng Masaya Sur, San Agustin sa Isabela.
Nakuha mula sa mga suspek na naaktuhang nagbebenta ng mga pekeng US dollars, ang iba’t-ibang foreign bank notes, mga lumang perang papel ng Pilipinas, at bank statement certificates.
Lulan ang mga ito ng isang van na nakarehistro sa pangalang Norma Estavillo ng Minanga, Naguillian, Isabela at may plakang POD 656.
Nakuha rin sa kanila ang boodle money na nagkakahalaga ng dalawang milyong piso, mga cellphone at pitong piraso ng bala ng calibre .45 baril.
Nasa kustodiya na ng TMPS ang mga suspek, na mahaharap sa kasong paglabag sa Revised Penal Code Article 168 o Illegal Possession and Use of Bank Notes and Other Instrument of Credit, at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act..
Ulat ni Ryan Flores