Walong suspek sa pagkawala ng mahigit 30 sabungero, Kinasuhan na ng PNP sa DOJ
Kinasuhan na ng PNP- CIDG sa Department of Justice ang walong suspek na itinuturong nasa likod ng pagkawala sa anim sa mahigit tatlumpung mga sabungero sa manila arena noong enero.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni CIDG Director Police Brigadier General Eliseo Cruz na kasong Kidnapping at Serious Illegal Detention ang isinampa nila laban sa walong security guard at personnel ng Manila arena na pinatatakbo ng Lucky eight star quest.
Ang walo aniya ay itinuro ng tatlong testigo na nagbigay na ng kanilang affidavit at hawak ngayon ng PNP.
Nakakuha rin aniya sila ng mga ebidensya laban sa walo tulad ng CCTV footage at mga text messages na nag- corroborate sa pahayag ng mga testigo.
Ang pagkawala ng anim ay isa lamang sa walong kaso ng pagkawala ng mga sabungero sa Manila, Laguna, Bulacan at Batangas na iniimbestigahan ng CIDG.
Hindi naman humarap sa pagdinig ng Senado ang walo na ayon sa Lucky eight , tatlo sa kanila ay nagpositive sa COVID- 19 antigen test habang ang iba naman ay maysakit.
Nagsumite na sila ng Medical records sa Senado katunayang unfit raw silang humarap sa Senate hearing.
Meanne Corvera