Wanted person, huli sa manhunt operation ng PNP Maritime sa Navotas Fish Port
Nilusob ng mga operatiba ng Philippine National Police Maritime NCR ang isang floating house na pinagtataguan ng isang wanted person sa baybaying dagat ng NBBN Navotas.
Ayon sa Intel report, armado umano ng baril ang target suspek.
Sa direktiba ni PCol. Oliver Sy Tanchengo, Chief Regional Maritime NCR, pinangunahan ni PMaj. Randy Ludovice, hepe ng Maritime Police Station ang paghuli sa suspect.
Ito ay sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu ni Judge Emmanuel Laurea ng Regional Trial Court, Branch 169 ng Malabon City.
Kinilala ang suspek na si Brando Ubaldo, na may kasong paglabag sa R.A. 10364 o Expanded Anti- Trafficking in Person Act of 2012.
Dagdag pa sa kaso ni Ubaldo ang paglabag sa Sec. 28 ng R.A. 9165 o Illegal Possession of Firearms and Ammunition dahil sa narekober na isang Caliber .45 pistol sa nasabing suspek.
Narekober din ang 4 na sachet ng hinihinalang marijuana at mga drug paraphernalia na paglabag naman sa Sec. 11 ng R.A. 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
” Kung mayroon kayong nalalaman o kakilala na gumagawa ng anumang iligal na ipinagbabawal ng batas ay kaagad ninyong ipaalam sa aming himpilan at kaagad natin itong maaksiyonan upang dito sa loob ng Fishport ay mapanatili natin ang isang payapa at makapaghanapbuhay ang mga negosyante rito na walang kinatatakutan o iniilagan ” ani PMaj. Ludovice
Mark Leo Pernia