Warhol portrait ni Marilyn Monroe, ipagbibili ng Christie’s
Inanunsiyo ng Christie’s na ipagbibili nila ang 1964 “Shot Sage Blue Marilyn” portrait ni Marilyn Monroe na gawa ni Andy Warhol, sa halaga na tinatayang aabot sa $200 million.
Ayon sa auction house, inaasahan nila na ang painting ang magiging pinakamahal na 20th century artwork kapag ipina-auction na nila ito sa New York sa May.
Inilarawan ng Christie’s ang 40 inch (100 centimeter) by 40 inch silk-screen work bilang “one of the rarest and most transcendent images in existence.”
Tinawag naman ni Alex Rotter, head ng 20th and 21st century art sa Christie’s na “most significant 20th century painting to come to auction in a generation” ang nasabing portrait.
Aniya . . . “Andy Warhol’s Marilyn is the absolute pinnacle of American Pop and the promise of the American Dream encapsulating optimism, fragility, celebrity and iconography all at once.”
Sinimulan ni Warhol ang paglikha ng silkscreens ni Monroe kasunod ng pagkamatay nito noong August 1962.
Ang pop artist ay nakagawa ng apat na nakilala bilang “Shot Marilyns,” na lahat ay pareho ng sukat na may magkakaibang colored backgrounds.
Sa “Shot Sage Blue Marilyn” portrait, ang aktres ay may pink na mukha, ruby lips, dilaw na buhok at asul na eye shadow na naka-set sa isang sage-blue backdrop.
Sa isang unveiling sa Christie’s headquarters sa Manhattan, sinabi ni Rotter na ang portrait ni Marilyn na katabi ng “Birth of Venus” ni Sandro Botticelli’s, “Mona Lisa” ni Leonardo Da Vinci at “Les Demoiselles d’Avignon ni Pablo Picasso ay “categorically one of the greatest paintings of all time.”
Ang portrait ay ipinagbibili ng Christie’s para sa Zurich-based Thomas and Doris Ammann Foundation.
Lahat ng mapagbebentahan ay para sa benepisyo ng foundation, na tumutulong para bumuti ang buhay ng mga kabataan sa buong mundo.
Noong 1998, naibenta ng Sotheby’s ang orange Marilyn sa halagang $17 million.