Warm-up shirt ni Kobe Bryant, naibenta ng higit $275,000
Nabili ng isang basketball fan ang warm-up shirt ng dating NBA at Los Angeles Lakers superstar na si Kobe Bryant, sa halagang higit USD275,000 (PHP14 million) sa isang auction.
Ayon sa Sotheby’s, sikat na auction house sa UK . . . “Kobe Bryant’s Los Angeles Lakers shooting shirt from his legendary 2006 81-point game achieves $277,200. The shirt was acquired by David Kohler, owner of the largest known private collection of Lakers memorabilia Lakers Shrine and President of SCP Auctions.
Sa website ng Sotheby’s nakasaad na nakuha rin ni Kohler ang “One-of-One” 81 Point NFT (non-fungible tokens) ni Bryant na idinisenyo ni Karvin Cheung.
Isang five-time NBA champion, si Bryant, na nasawi sa isang helicopter crash noong 2020, ay nakagawa ng kasaysayan matapos makaiskor ng 81 points laban sa Toronto Raptors sa isang laro noong 2006.
Ang naturang score pa rin ang namamalaging “second greatest scoring performance in a single NBA game,” habang si Wilt Chamberlain naman ang nangunguna dahil sa kaniyang 100 points laban sa New York Knicks noong 1962.
Tinatawag ding Black Mamba, si Bryant ay isang Lakers loyal dahil ginugol niya ang kabuuan ng kaniyang career kasama ng Lakers.
Ang 18-time NBA All-Star ay nanalo na ng limang NBA titles kasama ang Lakers, noong 2000, 2001, 2002, 2009, at 2010.
Bukod dito ay tinulungan din ni Bryant ang US national team na manalo ng dalawang Olympic gold medals sa Beijing 2008 at London 2012.
Si Bryant na nagretiro sa paglalaro noong 2016, ay 41-anyos pa lamang nang masawi sa helicopter crash kasama ang anak na babaeng si Gianna noong Jan. 26, 2020.