Warriors, out na sa NBA playoff matapos talunin ng Kings
Tinapos na ng Sacramento Kings ang pag-asa ni Stephen Curry at ng Golden State Warriors na makapaglaro sa playoff, makaraang talunin ang 2022 champions sa score na 118-94 sa NBA Play-in tournament.
Natapos ang Warriors sa ika-10 puwesto sa Western Conference at kailangan nilang manalo laban sa ranked 9 na Kings upang mapanatiling buhay ang kanilang pag-asa para sa playoff.
Ngunit ang New Orleans Pelicans na ang makakaharap ng Kings sa Biyernes para sa ika-walo at huling playoff sa West.
Ang huling tatlong regular-season na laro sa pagitan ng mga magkakaribal sa Northern California ay napagpasyahan ng isang punto.
Ngunit ang isang ito ay dinomina ng Kings, hindi na nagawang manguna ng Warriors matapos ang opening minutes sa Sacramento.
Si Keegan Murray ang nanguna sa scoring para sa Kings sa pamamagitan ng 32 points. Nagdagdag din si De’Aaron Fox ng 24, at si Domantas Sabonis ay nag-ambag ng 16 points at 12 rebounds para sa Sacramento, habang nahirapan naman sa kanilang opensiba ang Warriors.
Mabagal ang naging simula ni Curry at nakaiskor lamang ng lima sa unang half at natapos sa 22 points, habang si Klay Thompson ay nabigong makapuntos dahil nagmintis lahat ng sampu niyang buslo.
Ang nasabing pagkatalo ay tiyak na pagmumulan ng mga katanungan tungkol sa hinaharap ng star trio ng Warriors na sina Curry, Thompson at Draymond Green, ang mga haligi ng dynasty na nanalo ng mga titulo noong 2015, 2017, 2018 at 2022.
Sinabi ni Warriors coach Steve Kerr, “It’s too early for me to even think about that. You invest so much in the season and there’s so much that goes on. It’s so emotional. “The highs of this business are incredible, that’s why we’re all kind of addicted to it. You have to absorb the lows.”
Aniya, “We’ve been really blessed here with amazing players and multiple championships and Finals appearances, the highest of highs. This is the flip-side. What happens this summer and going into next year, we’ll worry about that later.”