Webinar para sa COVID-19 Pediatric A3 population, isinagawa sa Camarin High School
Bilang preparasyon sa mga estudyante at magulang para sa nalalapit na iskedyul ng pagbabakuna, nagsagawa ng webinar para sa COVID-19 Pediatric A3 population sa Camarin High School ngayong araw.
Layunin nito na magbahagi ng kaalaman sa mga kabataang edad 12-17, tungkol sa gagawing pagbabakuna.
Pinangunahan ng kinatawan ng Department of Health (DOH) ang nasabing webinar, na dinaluhan ng mga mag-aaral at kanilang mga magulang.
Kaugnay nito ay hiningi ng mga guro sa nasabing eskuwelahan ang consent ng mga magulang para mabakunahan ang kanilang mga anak.
Nilinaw ng mga kinatawan ng DOH, na unang babakunahan ang mga kabataang may comorbidity o karamdaman, laluna ang mga tinamaan na ng Covid-19.
Hinimok din ng DOH ang sinuman na bisitahin ang website ng 9 na mga ospital na pinayagang magsagawa ng pagbabakuna.
Ito ay ang National Children’s Hospital, Philippine Heart Center, Pasig City Children’s Hospital, Fe del Mundo Hospital, Philippine General Hospital, Makati Medical Center, Philippine Children’s Medical Center, at Cardinal Santos Medical Center.
Ang mga nabanggit na ospital ay naka-roll out batay sa kani-kaniyang edad ng mga kabataan. Kailangan lamang dalhin ang mga kinakailangang dokumento para mabakunahan ang mga kabataang kabilang sa Pediatric A3 category.
Ito ay ang health clearance mula sa doktor ng bata, parent/guardian consent form, valid ID ng magulang, at valid ID ng anak.
Para naman sa mga kabataang edad 12-17 na walang comorbidity, ay kailangang hintayin ang schedule ng pagbabakuna sa mga vaccination site na itinakda ng kani-kaniyang local government unit.
Josephine Velarde