Website ng Kamara muling isinara dahil sa patuloy na pagtatangka ng mga hackers
Naniniwala ang liderato ng Kamara na hindi titigil ang mga hackers para magsagawa ng cyber attack sa ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan
Matapos buksan, muling isinara ang website ng Kamara dahil sa patuloy na pagtatangka ng mga hackers na pasukin ang database record ng Kongreso.
Sinabi ni Ginoong Ronald de Castro Head ng Information Technology o IT ng Kamara na pilit na pinapasok pa rin ng mga hackers ang cyber system ng mababang kapulungan ng Kongreso.
Inihayag naman ni House Secretary General Reginald Velasco batay sa rekomendasyon ng Department of Information and Communications Technology o DICT kailangan talagang palakasin ang Cyber Defense ng Kamara.
Ayon kay Velasco pinag-aaralan na ng liderato ng Kamara na kumuha ng third party information technology o IT experts upang maprotektahan ang database at electronic records ng Kongreso.
Nagpahayag ng pangamba si Velasco na kung hindi maproprotektahan ang database at electronic records ng Kamara magdudulot ito ng malaking problema sa legislative process.
Batay sa record maliban sa website ng Kamara naunang napasok ng mga hackers ang website ng Philippine Statistics Authority o PSA, Department of Science and Technology o DOST, Philippine National Police o PNP at Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth.
Vic Somintac