White House humiling ng bilyong dolyar para muling itayo ang Baltimore bridge
Nagpadala ng liham sa Kongreso ang budget director ng White House, na humihiling ng mahigit sa $3 bilyon upang pondohan ang muling pagtatayo sa gumuhong tulay sa Baltimore at pagkukumpuni sa iba pang sirang imprastraktura sa Estados Unidos.
Ang Francis Scott Key Bridge ay bumagsak sa tubig noong mga huling bahagi ng Marso, makaraan itong araruhin ng isang cargo ship, na ikinamatay ng anim na mga manggagawa at naging sanhi upang maharangan ang pangunahing shipping route sa port of Baltimore nang mahigit sa dalawang buwan.
Sa liham ni presidential budget director Shalanda Young sa House leadership, ay nakasaad na humihingi ang administrasyon ni President Joe Biden sa Kongreso na magkaloob ng dagdag na $3.1 bilyong pondo para sa isang “emergency relief program” sa ilalim ng Department of Transportation.
Ayon kay Young, “The additional funds would cover increased needs for repairing and rebuilding highways and roads that have been damaged, in disasters and other emergencies across the Nation, including the cost of rebuilding the Francis Scott Key Bridge.”
Nauna nang inaprubahan ng federal administration ang $60 milyong emergency funding para sa cleanup at recovery operation sa tulay.
Humiling din si Young ng karagdagang $700 milyon upang ipamahagi sa mga komunidad na naapektuhan sa nangyaring sunog sa Hawaiian island ng Maui noong isang taon, kung saan mahigit sa 100 katao ang namatay.
Sinabi ni Young, “The increased relief would not only help Maui rebuild, but also cover unmet needs resulting from other disasters declared in calendar year 2023.”
Dagdag pa niya, “The money would also support people affected by severe storms, hurricanes and flooding across the United States.”