WHO, humihingi sa China ng dagdag na data sa outbreak ng isang respiratory illness
Humihingi ang World Health Organization (WHO) ng dagdag pang data sa China tungkol sa respiratory illness na kumakalat sa hilagang bahagi ng bansa, at hinimok ang mga tao na agad umaksiyon upang mabawasan ang panganib ng impeksiyon.
Ayon sa WHO, nag-ulat ang Northern China ng pagtaas sa “influenza-like illness” simula noong kalagitnaan ng Oktubre, kung ikukumpara sa kaparehong peryodo sa nakalipas na tatlong taon.
Sa isang pahayag ay sinabi ng United Nations (UN) health body, “WHO has made an official request to China for detailed information on an increase in respiratory illnesses and reported clusters of pneumonia in children.”
Sinabi sa mga mamamahag ng National Health Commission ng China, na ang pagdami ng respiratory illness ay dahil sa pagtatanggal sa Covid-19 restrictions at sirkulasyon ng mga kilala nang pathogens, gaya ng influenza at ang common bacterial infections na mga bata ang naaapektuhan, kabilang ang mycoplasma pneumonia.
Ang Chinese capital na Beijing, sa hilaga ng bansa, ay kasalukuyang nakararanas ng isang cold snap, na ang temperatura ay inaasahang babagsak sa below zero ngayong Biyernes.
Sinabi ni Wang Quanyi, deputy director at chief epidemiological expert sa Beijing Center for Disease Control and Prevention, “Temperatures plummeted as the city entered a high incidence season of respiratory infectious diseases. Beijing is currently showing a trend of multiple pathogens coexisting.”
Noong Nobyembre 21, nag-ulat ang media at public disease surveillance system na ProMED ng clusters ng undiagnosed pneumonia sa mga bata sa hilagang Tsina.
Ayon sa WHO, hindi malinaw kung ang ulat ng ProMED ay may kaugnayan sa press conference ng mga awtoridad kaya humihingi sila ng klaripikasyon.
Nakasaad pa sa pahayag ng WHO, “The agency ‘has also requested additional information on recent trends in the circulation of known pathogens,’ including influenza, SARS-CoV-2 (the virus that gives rise to Covid-19), RSV affecting infants and Mycoplasma pneumoniae, as well as on the degree of overcrowding in the health system.”
Samantala, hinimok nito ang publiko na gumawa ng preventative measures, gaya ng pagpapabakuna, paglayo sa mga taong maysakit at pagsusuot ng masks.
Hindi naman nagbigay ng indikasyon ang WHO sa tugon ng China sa kanilang kahilingan para sa dagdag na impormasyon.
Hindi rin sumagot ang foreign ministry ng China sa kahilingan para sa isang komento.
Sa buong panahon ng pag-iral ng Covid-19 pandemic, paulit-ulit na binatikos ng WHO ang mga awtoridad sa Tsina dahil sa kakulangan nila ng transparency at kooperasyon.
Mahigit tatlong taon makaraang ang mga kaso ay unang ma-detect sa Wuhan, nagpapatuloy pa rin ang mainit na debate tungkol sa pinagmulan ng Covid-19.
Hati ang mga siyentipiko sa dalawang pangunahing teorya ng sanhi: virus na nakatakas mula sa isang laboratoryo sa siyudad kung saan pinag-aaralan ang ganoong uri ng virus at isang intermediate animal na nakahawa sa tao sa isang lokal na palengke.
Sa mga unang bahagi ng 2023, sinabi ng mga eksperto mula sa WHO, na tiyak sila na ang Beijing ay marami pang mga data na maaaring magbigay linaw sa pinagmulan ng Covid, at sinabing may moral na pangangailangan upang ibahagi ang naturang impormasyon.
Isang team ng specialists na pinangungunahan ng WHO at sinamahan ng kanilang Chinese colleagues, ang nagsagawa ng imbestigasyon sa unang bahagi ng 2021, ngunit wala pang nakabalik mula noon at patuloy naman ang paghingi ng mga opisyal ng WHO ng dagdag na data.
Binigyang-diin ni WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus, na kung matutunton ang pinagmulan ng misteryo, makatutulong ito upang maiwasan ang mga pandemya sa hinaharap.