WHO, nagpayo laban sa paggamit ng blood plasma treatment para sa COVID-19
Sinabi ng World Health Organization (WHO), na hindi dapat gamiting panggamot sa COVID-19 patients na may mild o moderate illness ang plasma na kinuha mula sa dugo ng gumaling nang coronavirus patients.
Noong una, ang convalescent plasma ay nagpakitang maaari itong makatulong kung gagamiting panggamot sa mga taong may COVID-19.
Subalit sa isang advice na inilathala sa British Medical Journal, sinabi ng WHO na ang kasalukuyang mga ebidensiya ay nagpapakitang hindi ito makatutulong para maka-survive ang pasyente o mabawasan ang pangangailangan na gumamit ito ng mechanical ventilation, bukod pa sa ito ay mahal at time-consuming kapag ginamit bilang treatment.
Nagbigay ang WHO ng “strong recommendation” laban sa paggamit ng blood plasma sa mga taong hindi naman malala ang Covid-19 symptoms, at sinabing kahit pa nga sa mga pasyenteng may severe at critical illness, ang treatment ay dapat lang gamitin bilang bahagi ng isang clinical trial.
Ang convalescent plasma ay ang likidong bahagi ng dugo mula sa isang gumaling nang Covid patient, na nagtataglay ng antibodies na ginawa ng katawan matapos itong ma-infect.
Isa ito sa maraming uri ng potential treatments na sinubok sa clinical trials sa unang bahagi ng pandemya, na nagpakita ng limitadong benepisyo.
Ayon sa WHO, ang latest recommendations nila ay batay sa ebidensiya mula sa 16 na trials na kinapapalooban ng 16,236 mga pasyente na mayroong non-severe, severe, at critical Covid-19 infection. (AFP)