WHO nanawagan ng isang kasunduan para maging proteksiyon laban sa susunod na pandemya
Kailangang pag-aralan ng buong mundo ang pinsalang idinulot ng COVID-19, at huwag hayaang maulit pa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang pandemic preparedness treaty.
Sinabi ni World Health Organization director-general Tedros Adhanom Ghebreyesus, na isa na namang mapaminsalang pandemya ang maaring mangyari maliban nang patatagin ng mga bansa ang kanilang mga depensa.
Nagpupulong ang mga bansa sa Geneva na nagsimula nitong Lunes at tatagal hanggang bukas Miyerkoles, upang talakayin ang isang “international agreement” tungkol sa kung paano haharapin ang susunod na pandemya na ayon sa mga eksperto ay halos nandyan na.
Ang desisyon ay inaasahang isasa-pormal bukas, Miyerkoles.
Sa simula ng tatlong araw na pagtitipon ng mga pinuno ng mundo, sinabi ni Tedros na ang paglitaw ng highly-mutated variant ng Omicron ay nagbibigay-diin kung gaano kadelikado ang sitwasyon.
Aniya, ipinakikita lang ng Omicron kung bakit kailangan ng mundo ng bagong kasunduan. Ang mismong paglitaw nito ay isa pang paalala na bagaman marami sa atin ang nag-iisip na maaaring patapos na tayo sa COVID-19, pero hindi pa ito tapos sa atin.
Mauulit lang aniya ang lahat maliban kung ang mga bansa sa mundo, ay magsasama-sama at magkakaisa sa pagsasabing hindi na ito dapat maulit.
Ang pulong ng World Health Assembly (WHA) na siyang gumagawa ng desisyon ng WHO at binubuo ng lahat ng 194 na estadong miyembro, ay isang espesyal na sesyon na hindi pa nangyari noon na nakapokus sa kung paano haharapin ang susunod na pandemya.
Dapat nitong talakayin kung gaano na ang kahandaan ng mga bansa para magkaroon ng isang “legally-binding commitments” sa mga isyu gaya ng patas na pamamahagi ng bakuna, pagbabahagi ng kaalaman, pagpopondo at mga istruktura ng pangangasiwa, na may pinal na kasunduan na magkakabisa sa 2024.
Ang isang pangunahing isyu na maaaring pag-usapan, ay kung nanaisin ba ng mga bansa na dagdagan ang kapangyarihan ng WHO na mag-imbestiga sa pinagmumulan ng mga outbreak.
Sinabi ni Tedros na naging hadlang ang kakulangan ng mga ibinahaging datos, sa unang bahagi ng COVID pandemic.
Ayon sa isang French diplomatic source . . . “One of the expectations of this treaty is to be able to improve the WHO’s capacity to monitor and assess the situation in countries: the investigative power of WHO.”
Sinabi naman ni Chilean President Sebastian Pinera, na hindi handa ang mundo para sa COVID-19 at dahil sa naturang kahinaan ay naapektuhan ng malaki ang sandaigdigan.
Aniya . . . “Steps must be taken to ensure that this will not happen again, that when the next pandemic comes, and it will come, it will find us better prepared.”
Sa ilalim ng draft decision, sumasang-ayon ang mga miyembrong estado ng WHO na magtatag ng isang intergovernmental negotiating body, na babalangkas at mangangasiwa sa isang WHO convention, kasunduan o iba pang internasyonal na instrumento sa pag-iwas, paghahanda at pagtugon sa pandemya.
Ang unang pagpupulong ay dapat na ganapin nang hindi na lalampas ng Marso a-uno ng susunod na taon, para humirang ng dalawang co-chairmen at apat na vice-chairmen.
Isang progress report naman ang ipi-prisinta sa regular na World Health Assembly annual gathering isa 2023, kung saan ang final outcome ay ipi-prisinta para sa konsiderasyon sa 2024 WHA.
Ayon kay European Council President Charles Michel . . . “I hope we will make history. The situation in the world demands it. Yesterday’s informal agreement is a huge step, and now it’s time to capitalise on this momentum to make the world a safer place.”
Nanawagan naman ang German Chancellor na si Angela Merkel para sa isang reporma kung paano popondohan ng mga bansa ang WHO, upang mas mabilis na makatugon sa mga krisis.
Ani Merkel . . . “Measures for better prevention and response to pandemics should be laid down in a pandemic treaty, binding under international law.”
Sinabi ni Swiss Health Minister Alain Berset na . . . “The world needed to take immediate, bold action, as he called for a legally-binding instrument. The issues at stake are too important. We don’t have the right to fail.” (AFP)