WHO solidarity trial ngayong buwan hindi tuloy
Sa Enero ng susunod na taon pa masisimulan ang solidarity trial ng World Health Organization para sa bakuna sa COVID-19.
Ito ang kinumpirma nina Dr. Nina Gloriani head vaccine development expert panel ng DOST at Health Usec. Ma Rosario Vergeire sa isang virtual pressconference.
Anila, humingi pa umano ng karagdagang panahon ang WHO bago masimulan ang trial dahil masusi pang pinag aaralan ang mga bakuna na gagamitin.
Ayon kay Gloriani, may 5 candidate vaccine ang pinag aaralan ng WHO para sa solidarity trial.
Sa lima na ito maaaring dalawa aniya ang mapili para gamitin sa International clinical trial.
Ang WHO solidarity trial para sa COVID-19 vaccine ay dapat na sisimulan ngayong Disyembre.
Kaugnay nito, sinabi ni Gloriani na nadagdagan na rin ang bilang ng mga pagsasagawaan ng trial dito sa bansa.
Sa mga ospital ay mayroon aniyang 14 na napili, habang may mga pagsasagawaan ding community sites sa NCR gaya sa Maynila, Pasay at Taguig at sa Cordillera Administrative Region at Davao.