WHO solidarity trial para sa bakuna sa COVID-19 sisimulan na sa Disyembre
Kinumpirma ng Department of Health na sa Disyembre ay magsisimula na ang Phase 3 ng solidarity trial ng World Health Organization dito sa bansa.
Ito ay isang International clinical trial na nilahukan ng maraming bansa kabilang na ang Pilipinas upang makahanap ng bakuna para sa covid 19.
Ayon kay Health Undersecretary Ma Rosario Vergeire, batay sa abiso sa kanila ng WHO sa Nobyembre ay sisimulan na nila ang phase 3 clinical trial sa isang piling site at pagkatapos ay sisimulan naman ito sa iba pang kalahok na bansa sa Disyembre.
Sa Pilipinas inaasahang sa linggong ito ay malalaman kung aling mga lugar ang makakasama sa solidarity trial na ito.
Samantala, sinabi ni Vergeire na patuloy parin ang pakikipag usap sa russian manufacturing company na Gamaleya at Sinovac ng China.
Sa ginagawang clinical trial naman sa bansa sa mga gamot na maaaring makatulong sa paggamot sa mga covid 19 positive patients, sinabi ni Vergeire na inalis na ng WHO ang gamot na interferon.
Habang naging opisyal na rin aniyang gamot na susubukan sa ilalim ng WHO clinical trial ang cancer drug na acalabrutinib.
Nagpasya rin aniya ang WHO na ipagpatuloy ang pagsubok sa gamot na remdesivir na una ng nakitaan ng magandang resulta.
Madz Moratillo