WikiLeaks founder na si Julian Assange napalaya sa pamamagitan ng US plea deal
Pinalaya na ng isang US judge ngayong Miyerkoles si Julian Assange sa pamamagitan ng isang plea deal na tumapos na sa maraming taon ng legal drama para sa WikiLeaks founder, na matagal na ring hinihintay ng Washington para sa pagbubulgar nito ng military secrets.
Sinabi kay Assange ng isang judge sa isang korte sa Northern Mariana Islands, na isang Pacific US territory, “With this pronouncement, it appears that you will be able to walk out of this courtroom a free man.”
Si Assange ay nag-plead ng guilty o umaming nagkasala sa isang bilang ng pagsasabwatan upang makakuha at magpakalat ng national defense information.
Sa kaniyang pagsasalita sa korte, sinabi ng 52-anyos, “Working as a journalist, I encouraged my source to provide material that was said to be classified.”
Si Assange, na noong 2010 ay naglathala ng daang libong secret US documents bilang pinuno ng whistleblowing website na WikiLeaks, ay pinalaya noong Lunes mula sa isang high-security British prison.
Nitong Miyerkoles ay hinatulan siya ng hukom ng limang taon at dalawang buwang pagkakakulong, na may kredito para sa parehong tagal ng oras na ginugol niya sa piitan sa Britanya habang ipinakikipaglaban ang kaniyang ekstradisyon sa Estados Unidos.
Ayon sa isang court filing, “The Northern Mariana Islands was chosen because of Assange’s unwillingness to go to the continental United States and because of its proximity to Australia.”
Sa post ng WikiLeaks sa social media platform na X ay nakasaad, “After the hearing is done, Assange will fly to Canberra in Australia. The plea bargain should never have had to happen.”
Sinabi naman ni Australian Prime Minister Anthony Albanese, “The plea deal hearing was a ‘welcome development,’ because Assange’s case had ‘dragged on for too long’ with nothing to be gained by his continued incarceration.”
Simula noong 2010, si Assange ay naging isang bayani para sa free speech campaigners at kontrabiuda naman sa mga nag-iisip na inilagay niya sa panganib ang US security at intelligence sources.
Nais ng mga awtoridad sa US na litisin si Assange dahil sa pagbubulgar ng military secrets tungkol sa giyera sa Iraq at Afghanistan.
Kinasuhan siya ng US federal grand jury noong 2019 sa 18 bilang, na nagsanga mula sa paglalathala ng WikiLeaks ng national security documents.
Pinuri naman ng United Nations ang pagpapalaya kay Assange sa pagsasabing, “the case had raised a series of human rights concerns.”
Sa isang pahayag mula sa ina nito na si Christine Assange na inilabas ng Australian media ay nakasaad, “I was grateful that my son’s ordeal is finally coming to an end.”
Subalit ang plea deal ay binatikos ni dating US vice president Mike Pence sa pagsasabing, “it’s a miscarriage of justice that dishonors the service and sacrifice of the men and women of our Armed Forces.”
Ang anunsiyo ng deal ay nangyari dalawang linggo bago ang nakatakdang pagharap ni Assange sa korte sa Bitanya, upang i-apela ang isang ruling na nag-aapruba sa kaniyang ekstradisyon sa Estados Unidos.
Si Assange ay nakaditini na sa high-security Belmarsh prison sa London mula pa noong April 2019.
Naaresto siya matapos ang pitong taong paglalagi sa London embassy sa Ecuador upang makaiwas na ma-extradite sa Sweden, kung saan siya nahaharap sa mga akusasyon ng sexual assault na kalaunan ay napawalang bisa rin.
Ang mga materyales na kaniyang inilabas sa pamamagitan ng WikiLeaks ay may kasamang video na nagpapakita ng mga sibilyan na pinatay ng apoy mula sa isang helicopter gunship ng US sa Iraq noong 2007. Kasama sa mga biktima ang isang photographer at isang driver mula sa Reuters.
Si Assange ay inakusahan ng Estados Unidos sa ilalim ng 1917 Espionage Act at nagbabala ang mga supporter na nanganganib na masentensiyahan siya ng 175 taong pagkakabilanggo.
Inaprubahan ng British government ang kaniyang esktradisyon noong June 2022, ngunit sa pinakahuling pagbabago ng mga pangyayari, dalawang British judge ang nagsabi noong Mayo na maaaring umapela si Assange laban sa gagawing paglilipat sa kaniya.
Ang plea deal ay hindi naman lubos na hindi inaasahan. Si US President Joe Biden ay nakaranas din ng lumalaking pressure na i-drop na ang matagal ng kaso laban kay Assange.
Ang gobyerno ng Australia ay gumawa ng isang opisyal na kahilingan tungkol dito noong Pebrero, at sinabi ni Biden na isasaalang-alang niya ito, na nagpapataas sa pag-asa ng mga tagasuporta ni Assange na maaaring matapos na ang kanyang pinagdaraanan.