Wildfires sa South Korea, dulot ng dry spell
Nagkukumahog ang mga bumbero na apulahin ang mga wildfire sa magkabilang panig ng South Korea, habang nagdudulot ng mga sunog ang dry spell sa maraming rehiyon, kabilang na ang nangyari sa isang bundok na sikat sa mga hiker sa central Seoul.
Ayon sa isang pahayag ng gobyerno, isang sunog ang sumiklabb sa Mount Inwang nitong Linggo, isang sikat na outdoor destination sa Jongno district ng Seoul, at mabilis na kumalat dahil sa malakas na hangin.
Nasa 120 pamilya ang sapilitang inilikas, ngunit wala namang napaulat na namatay o nasaktan.
Samantala, hanggang kaninang umaga ay pinipilit pa rin ng mga bumbero gamit ang mga helicopter na apulahin ang apoy, bagama’t ang pinagsimulan ng sunog ay naapula na kagabi.
Plano ng mga awtoridad na imbestigahan ang sanhi ng sunog sa sandaling tuluyan na iyong maapula.
Nakikipaglaban naman ang mga pamatay-sunog sa malakas na hangin at usok, sa pagsisikap na mapigilan ang wildfire sa magkabilang panig ng Chungcheong province, sa timog ng Seoul.
Higit 60 mga bahay at gusali na ang napinsala ng sunog at hindi bababa sa 236 katao ang inilikas mula sa Hongseong county sa timog ng Chungcheong, ayon sa Korea Forest Service.
Ayon sa tanggapan ng pangulo, ipinag-utos ni South Korean President Yoon Suk Yeol sa lahat ng mga kinauukulan na “gamitin ang lahat ng posibleng paraan” upang maapula ang mga sunog.
© Agence France-Presse