Women’s national football team, may bago ng head coach
Inanunsiyo ng Philippine Football Federation (PFF), na may bago ng head coach ang women’s national team para sa AFC Women’s Asian Cup sa susunod na taon.
Ang dating Australia mentor na si Alen Stajcic, na umagapay sa Australia sa kanilang back-to-back FIFA Women’s World Cup appearances noong 2015 at 2019, at maging sa quarterfinal finish sa 2016 Rio Oylmpics, ang magiging kapalit ni Marlon Maro.
Si Maro na ngayon ang head ng PFF Coaching Education, matapos niyang pangunahan ang pagbabalik ng Pilipinas sa Asian Cup noong nakalipas na buwan, kung saan nagwagi ito laban sa Nepal at Hong Kong sa Group F qualifiers.
Ngayong ang 47-anyos na si Stajcic na ang head coach, determinado ang PFF na paigtingin ang women’s program sa Asian stage.
Ayon kay PFF president Nonong Araneta . . . “His appointment shows the commitment and determination of the PFF to give our women’s national team the best possible chance to qualify for the FIFA Women’s World Cup.”
Target ni Stajcic at ng Filipina boosters na magwagi sa Asian Cup na gaganapin sa India mula January 20 hanggang February 6, para mag-qualify sa makasaysayang World Cup.