‘Wonka’ nanguna sa N.American box office
Nanguna sa North American theaters ang fantasy musical ng Warner Bros. na “Wonka,” na pinalakas pa ng star power ni Timothee Chalamet, matapos ang malakas ding debut sa ibang bansa.
Ang pelikula ay kumita ng tinatayang $39 million sa Estados Unidos at Canada para sa Friday-through-Sunday period. Bukod pa ito sa $112 million na kinita nito sa ibang bansa, kung saan nagbukas ito ng mas maaga ng isang linggo.
Ayon sa analysts, “This is an excellent opening, particularly since family-friendly films released in December tend to build through the holidays. Momentum is very good.”
Ang pelikula ay isang prequel, kung saan ginampanan ni Chalamet ang mas batang bersyon ng Roald Dahl’s famous chocolatier na si Willy Wonka, isang karakter na ginampanan ni Gene Wilder at pagkatapos ay ni Johnny Depp.
Tampok din sa “Wonka” sina Olivia Colman, Keegan-Michael Key, Sally Hawkins at sa una niyang pagganap bilang isang Oompa-Loompa, si Hugh Grant.
Isa pang prequel, ang “Hunger Games: The Ballad of Songbirds & Snakes,” ng Lionsgate ang pumangalawa para sa weekend na kumita ng $5.8 million, na nagpakita ng lakas nito sa kaniyang ika-limang linggo.
Tampok si Tom Blyth, Rachel Zegler at Peter Dinklage sa isang kuwento tungkol sa 10th Hunger Games sa dystopian state ng Panem.
Nasa ikatlong puwesto naman ang animated fantasy na “The Boy and the Heron,” mula sa Studio Ghibli, na kumita ng $5.2 million. Ang Japanese film ay tungkol sa isang onse anyos na si Mahito, na noong World War II, ay nakakita ng isang nagsasalitang gray heron matapos mamatay ng kaniyang ina sa isang sunog.
Ang pelikula na likha ng Japanese animator na si Hayao Miyazaki ang nanguna sa North American box office noong nakaraang linggo, ang unang original anime production na nakagawa nito.
Pang-apat ang isa pang Japanese production, ang sci-fi action film na “Godzilla Minus One,” sa ilalim ng direksiyon ni Takashi Yamazaki at sa produksiyon ng Toho International. Kumita ito ng $4.9 million.
Nasa ika-limang puwesto naman ang “Trolls Band Together” ng Universal at DreamWorks, na kumita ng $4 million sa ika-limang linggo na nito ng pagpapalabas.
Magiging malaki ang papasok na linggo para sa mga sinehan sa North America, dahil ang “Aquaman and the Lost Kingdom” ay magbubukas na sa Biyernes at ang bagong musical version ng “The Color Purple” ay magbubukas naman sa Lunes, Disyembre 25.
Samantala, narito ang bubuo sa top 10:
“Wish” ($3.2 million)
“Christmas With the Chosen: Holy Night” ($3 million)
“Napoleon” ($2.2 million)
“Renaissance: A Film by Beyonce” ($2 million)
“Poor Things” ($1.3 million)