Work From Home set up, isinusulong ngayong mataas ang presyo ng petrolyo
Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga pribadong kumpanya at ang mga tanggapan ng gobyerno na magpatupad ng Work From home arrangement.
Ito’y habang mataas ang presyo ng Diesel at Gasolina na pumapalo na ngayon sa halos isandaang piso kada litro.
Tinukoy ni Gatchalian ang Republic Act no 11165 o Telecommuting Act kung saan maaring mag- alok ang kumpanya ng flexible work arrangement batay sa mga itinatakdang tuntuntin at kondisyon.
Ayon sa Senador, hindi lang mga manggagawa ang makikinabang rito kundi pati mga employer dahil mas makakatipid sa gastusin ang kumpanya.
Ihahain naman ni Gatchalian sa pagbubukas ng 19th Congress ang Senate bill no 1706 o panukalang batas na magbibigay ng tax incentives sa mga empleado na naka work from home at income tax deduction sa mga employer.
Sa panukalang batas, babawasan ng 25 pesos ang tax ng isang empleado na naka work from home at tatanggalin na ang buwis sa kanilang allowances at iba pang benepisyo na hindi lalagpas sa dalawang libong piso (2,000) kada buwan.
Ang mga employer, maaari namang bawasan ng 50 percent ang kanilang income tax para sa ibinibigay na allowance sa mga empleyado.
Sa ganitong paraan tataas ang take home pay ng kanilang mga manggagawa.
Meanne Corvera