World Hemophilia Day, ginugunita ngayong araw
Ang Hemophilia ay isang abnormalidad sa dugo na nakaaapekto sa maraming mamamayan ng bansa.
Ginugunita sa araw na ito ang World Hemophilia Day na naglalayong lalong maitaas ang awareness o kamulatan ng publiko tungkol sa sakit na Hemophilia.
Ayon sa grupong Hemophilia Advocates-Philippines, libo libo ang nagtataglay ng ganitong generic disorder sa Pilipinas, ang nakalulungkot hindi pa natutuklasan ang lunas para dito.
Bagaman ganito ang katotohanan, maaari namang malapatan ng pansamantalang lunas upang maging manageable at marugtungan ng marami pang taon ang isang taong may ganitong karamdaman.
May kamahalan ang gamot ng nasabing sakit at ang karamihan sa mga dinadapuan nito ay napakalaki ng tsansang mamatay.
Matatawag na abnormal ang buhay ng mga Hemophilia dahil hindi sila dapat na masugatan, hindi maaaring bunutan ng ngipin o sumailalim sa major surgery dahil hindi matitigil ang pagdurugo.
Mapanganib din sa isang babae na may taglay na ganitong sakit na magsilang ng sangool.
Sa ngayon, ang mga pasyenteng may ganitong uri ng karamdaman ay umaasa lamang sa donasyon ng World Federation of Hemophilia na nakabase sa Canada at project share, isang US based na organisasyon.
Hiling naman ng grupong Hemophilia Advocates-Philippines, napakahalagang magkaroon ng komprehensibong palatuntunan ang pamahalaan para matulungan ang mga Pilipino na nagtataglay ng ganitong uri ng karamdaman.
Ulat ni: Anabelle Surara