World pole vault title inangkin ni Duplantis ng Sweden
Nakumpleto na ni Armand Duplantis ng Sweden ang kaniyang medal collection, matapos dominahin ang pole vault para sa world gold sa isang bagong record nitong Linggo.
Nagtagumpay ang Olympic champion na si Duplantis, na naghahangad makuha ang kaniyang unang world title, sa pamamagitan ng kaniyang 6.21 metres, lampas ng 1cm sa nauna niyang best set nang mapanalunan niya ang gold sa World Indoor Championships na idinaos sa Belgrade noong Marso.
Nakuha naman ng Amerikanong si Chris Nilsen ang pilak sa score na 5.94m, habang ang bronze medal ay napunta kay Ernest John “EJ” Obiena ng Pilipinas. Ito ang unang world medal na napanalunan ng Pilipinas mula sa nabanggit na kompetisyon, makaraang maging kauna-unahang Asyano na nakaabot sa finals.
Sa kaniyang talumpati sa harap ng mga manonood sinabi ni Duplantis . . . “You guys gave me some good energy and helped me get over the bar. This is awesome and I love being in Eugene, it’s a pleasure to be here.”
Nakagawa si Duplantis ng 5.70m at nangailangan ng dalawang pagtatangka sa 5.87 bago tumulak sa 6.00m at 6.06m, na ang huli ay lumampas ng 1cm sa nakaraang championship record na itinakda ng Australian na si Dmitri Markov sa Canada noong 2001.
Ito na ang ika-5 world record ni Duplantis at pangatlo na ngayong taon ng 22-anyos na Swede.
© Agence France-Presse