Wuhan, nagsagawa ng mass graduation
BEIJING, China (AFP) – Isang napakalaking pulang banner ang sumalubong sa halos 9 na libong mga estudyante sa Wuhan, para sa isang mass graduation.
Ang mga estudyanteng naka-navy gowns at mortarboards ay nakaupo sa hilera ng mga upuan nang walang suot na face mask at wala na ring social distancing, sa ilalim ng isang sign na may nakasulat na mga katagang “Welcoming the graduates of 2020 back home. We wish you all a great future.”
Unang lumitaw ang COVID-19 sa huling bahagi ng 2019 sa Wuhan, kapitolyo ng Hubei province sa central China, sanhi para sumailalim sa isa sa pinakamahigpit na lockdown sa buong mundo ang lungsod, na may 11 milyong populasyon.
Hindi nagluwag ang restriksiyon hanggang nitong Abril, nang magsimula nang muling magbukas ang siyudad makalipas ang 76 na araw na pagsasara, bagama’t ang mga paaralan ay mas matagal na namalaging nakasara.
Limitado lamang ang ginanap na graduation ceremonies sa lungsod nitong nakalipas na taon, dahil karamihan sa isinagawa ng Wuhan University ay online events noong June, 2020.
Higit sa 2,200 mga estudyante na dumalo sa seremonya, ay graduates na hindi nakadalo sa graduation noong isang taon dahil sa mahigpit na virus restrictions.
Malawakan na ring napigil ng China mula noon ang outbreak, habang patuloy sa pagpapatupad ng precautionary measures kabilang na ang mahigpit na border controls, quarantines, mandatory online “health codes” at iba’t-ibang restriksiyon sa domestic travel.
Ngayong araw ay nakapagtala ang China ng 20 bagong mga kaso, kung saan 18 ay mula sa ibang bansa at dalawa ay mula sa local outbreak sa southern Guangdong province.
May 4,636 na opisyal na napaulat na nasawi, na ang karamihan ay sa Wuhan.
@ Agence France-Presse