Xi Jinping bibisita sa Russia sa susunod na linggo
Bibisita sa Russia sa susunod na linggo si Chinese President Xi Jinping ayon sa foreign ministry ng Bejing. Ang una niyang biyahe sa Moscow sa loob ng halos apat na taon.
Sa isang pahayag ay sinabi ng ministry, “At the invitation of President Vladimir Putin of the Russian Federation, President Xi Jinping will pay a state visit to Russia from March 20 to 22.”
Si Xi ay huling bumisita sa Russia noong 2019, at si Putin naman ay dumalo sa opening ceremony ng Winter Olympics sa Beijing noong isang taon, at ang dalawang lider ay nagkita rin sa isang regional security gathering sa Uzbekistan noong Setyembre.
Ayon sa isang halos magkakasabay na pahayag mula sa Kremlin, pag-uusapan ng dalawa ang tungkol sa “strategic cooperation.”
Tatalakayin ng dalawang lider ang pagpapalalim sa “exhaustive partnership at strategic cooperation” sa pagitan ng Russia at China, kabilang na ang sa ‘international stage,” at lalagda sa mahalagang “bilateral documents.”
Ang pagbisita ay gaganapin lampas lang ng isang taon matapos ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine.
Sinisikap ng China na ipakita ang sarili bilang isang neutral na partido sa hidwaan, ngunit ang posisyon nito ay binatikos ng ilang mga pinuno ng Kanluran bilang ‘walang kredibilidad’ at may lihim na suporta para sa Moscow.
Sa isang 12-point position paper tungkol sa digmaan na inilathala noong nakaraang buwan, nanawagan ang China ng diyalogo at paggalang sa soberanya ng teritoryo ng lahat ng bansa.
Ang China at Russia ay strategic allies din, kung saan ang magkabilang panig ay madalas na binabanggit ang tinatawag nilang “no limits” partnership.
Nang tanungin naman sa isang routine press conference, ay hindi kinumpirma ng Beijing foreign ministry kung plano rin ni Xi na gawin ang napapabalitang pagtawag kay Ukrainian President Volodymyr Zelensky.
Hinimok ng Chinese foreign minister ang Kyiv at Moscow na muling simulan ang usapang pangkapayapaan “sa lalong madaling panahon,” habang sinabi ng Kyiv na dapat din matalakay sa panawagan ang kahalagahan ng territorial integrity ng Ukraine.
Sinabi ni Chinese Foreign Minister Qin Gang sa kaniyang Ukrainian counterpart na si Dmytro Kuleba sa isang tawag sa telepono, “Beijing ‘hopes that all parties will keep calm, exercise restraint, resume peace talks as soon as possible’ and return to the track of political settlement.”
© Agence France-Presse