Zero subsidy sa PhilHealth sa 2025 National Budget, kinuwestiyon sa Korte Suprema

0
Zero subsidy sa PhilHealth sa 2025 National Budget, kinuwestiyon sa Korte Suprema

Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang health reform advocate na si Dr. Tony Leachon para kuwestiyunin ang zero subsidy sa PhilHealth sa 2025 National Budget.

Ayon kay Leachon, labag sa Saligang Batas, Sin Tax Law at Universal Healthcare Law ang hindi paglalaan ng subsidiya sa PhilHealth.

Aniya, ito ang unang pagkakataon na nangyari ito sa kasaysayan ng bansa na hindi binigyan ng pagpapahalaga ng presidente at ng Senado at Kamara, ang kalusugan ng mga mamamayan na ginagarantiyahan sa Konstitusyon.

Sinabi ni Dr. Leachon, “Si President Bongbong Marcos bilang pangulo, di niya pinondohan yun bagkus zinero niya, so papaano ngayon matutupad ag adhikain ng Universal Healthcare Law, na mag-i-increase ka ng benepisyo at mabawasan ang premium rate natin.”

Dagdag pa niya, “Sa pagbibigay ng zero subsidy sa PhilHealth, pinapakita lang ng administrasyon, ng bicameral ng lower house ng kongreso na hindi nila priority ang kalusugan, basic right po yan, dapat yan ang pinakamataas na ibibigay mo ay kalusugan at edukasyon.”

Sa kaniyang petisyon, hiniling ng doktor sa Supreme Court na mag-isyu ng TRO para ipahinto ang pagpapatupad sa 2025 General Appropriations Law kaugnay sa zero subsidy sa PhilHealth.

Nais din Leachon na atasan ng Korte Suprema ang mga kinauukulang ahensya na paglaanan ng mga pondo ang PhilHealth alinsunod sa mga batas at Konstitusyon.

Aniya, “Ngayon as we speak dyan po ako sa PGH nag-aral ng cardiology, e madaling araw pa lang nakapila kung talagang excess talaga funds ng PhilHealth e bakit andaming nakapila dyan, bakit andami pa nagmamakaawa dyan kung sobra pera natin. Itong Supreme Court dyan lang sa kabila ng PGH, ang Malakanyang wala pang kalahating kilometro, ang Dept. of Finance dyan lang sa Roxas Blvd., bulag ba sila para di makita ang Phil. General Hospital na pumipila ang mga tao.”

Samantala, ipinagpapatuloy ng SC ang ikalawang araw ng oral arguments sa mga petisyon kontra sa paglipat ng halos P90 bilyong sobrang pondo ng PhilHealth sa National Treasury.

Sinabayan muli ito ng kilos-protesta ng iba’t ibang grupo para igiit na labag ang nasabing hakbangin.

Umapela ang grupong Sin Tax Coalition at iba pang health workers at advocates sa Korte Suprema, na atasan ang gobyerno na ibalik sa PhilHealth ang P60 billion pondo nito na una nang inilipat sa National Treasury.

Nanindigan din ang mga grupo na iligal at may negatibong epekto sa PhilHealth members ng nasabing fund transfer na dapat ay pinapakinabangan ng mga ito at hindi dapat mapunta sa unprogrammed funds at sa kamay ng mga politiko.

Sinabi ni Dr. Minguita Pdilla, health crusader, “Sobra sobra ginagawa ng political patronage, yung kalusugan.’

Ayon naman kay Annie Enrique Geron, “Di dapat magpatuloy ito kasi hindi nila pondo yan ginagamit nila inaangkin nila para itaguyod ang kanilang pulitikal na ambisyon.”

Ipinahayag naman ni Prof. Cielo Magno, dating DOF Undersecretary, “Napakalinaw po ng batas na kailangan pinupondohan ng gobyerno yung premium na counterpart nya saPhilHealth whether good or bad intention ng gobyerno, ang malinaw nag-violate sila ng batas.”

Moira Encina-Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *