Zubiri ipinagmalaki ang accomplishments ng Senado
Ipinagmalaki ng liderato ng Senado ang mga naging accomplishment nito sa first regular session ng 19th Congress.
Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri, napagtibay ng Senado ang 31 mga panukalang batas at 70 mga resolusyon sa loob lamang ng isang taon.
Anim sa mga panukalang ito, nalagdaan na at naging batas.
Kabilang dito ang Mandatory SIM card Registration, pagpapaliban ng Baranggay at Sangguniang Kaabataan Elections (BSKE), Fixed Term para sa mga pinuno ng sandatahang lakas at ang mga Regional Specialty Centers gayundin ang extension ng estate tax na pawang kabilang sa mga prayoridad ng Marcos administration.
Isa rin aniya sa mga pinaka-importanteng lehislayon na ginawa ng Senado ay ang kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (MIF) bill na pinagtibay bago ang kanilang sine die adjournment ngayong araw, June 1.
Dumepensa si Zubiri sa umano’y kabagalan ng Senado sa pag-a-apruba ng batas at iginiit na hindi sila basta basta nagpapatibay ng batas ng hindi dumaan sa masusing mga debate at pagsusuri.
Pagtiyak ni Zubiri sa pagbabalik ng sesyon ng Senado mas determinado silang tugunan ang mandato sa taumbayan.
Tuloy din aniya ang imbestigasyon ng Senado sa mahahalagang isyu at mga alegasyon ng katiwalian at pang-a-abuso sa mga ahensya ng gobyerno bilang bahagi ng kanilang mandato.
Nagpasalamat si Zubiri sa mga kapwa mambabatas dahil sa kooperasyon para maipasa ang mga kinakailangang batas para sa pag-unlad ng bansa
Balik sesyon ang Kongreso sa July 24 kasabay ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Meanne Corvera