₱10 pagtaas sa presyo ng bilihin nakaamba kada-araw, kapag naipasa ang Tax Reform Package – DSWD
Kung pagtitibayin ng Kongreso ang buong Tax Reform Package ng administrasyon, nakaamba ang sampung pisong pagtaas ng presyo ng bilihin kada-araw.
Ito ang ibinabala ng Department of Social Welfare and Development sa Senate Committee on Ways and Means na nagsagawa ng public hearing sa Senate Bill No. 5636 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion.
Isiniwalat ni Sen. Sonny Angara, Chairman ng komite, na minsang humarap sa pagdinig ang isang undersecretary ng DSWD at nagbabala na sampung piso kada-araw ang itataas ng presyo ng bilihin kapag ipinasa ang Tax Reform Package, partikular ang P6 dagdag na excise tax sa produktong petrolyo.
Maging ang Department of Finance, aminado na tataas ang presyo ng bilihin dahil sa nasabing panukala kung kaya’t nakalatag na ang kanilang rekomendasyon para mapalawak ang sakop ng conditional cash transfer program ng DSWD.