1.2 M pasahero inaasahan na dadagsa sa NAIA simula sa Abril 1 –MIAA
Tinatayang 1.2 milyong pasahero ang inaasahang dadagsa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa Sabado hanggang sa susunod na 10 araw.
Ito ang inihayag ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Cesar Chiong sa harap ng inaasahang surge ng mga pasahero bunsod ng long holiday sa susunod na linggo.
Ayon kay Chiong, simula sa Sabado, Abril 1 hanggang sa matapos ang long weekend ay maaaring pumalo sa 1.2 milyon ang mga pasahero sa NAIA o average na 120,000 pasahero kada araw.
Ang nasabing bilang ay halos kasing dami ng mga pasahero sa kaparehong panahon bago mag-pandemya.
Gayunman, sinabi ni Chiong maaari pa itong tumaas dahil may pagkakataon na umaabot sa 140,000 pasahero kada araw ang dumadating at umaalis ng paliparan.
Sinabi naman ni MIAA Senior Assistant General Manager Bryan Co na nasa “path to full recovery” na ang bansa pagdating sa bilang ng mga pasahero at flight movements sa NAIA.
Dagdag pa ni Co, nalagpasan na ang pre-pandemic levels sa flight movements o ang arrivals at departures ng parehong domestic at international flights.
Sa tala ng MIAA, nasa 103% na ang flight movement kumpara sa 94% bago ang pandemya.
Tiniyak din ng MIAA na pinaghahandaan na nito ang peak season ngayon panahon ng tag-init gaya ng mga kritikal na pasilidad nito gaya ng tubig, kuryente, airconditioning, at komunikasyon.
Nag-inspeksyon naman sa iba’t ibang terminals ng NAIA ang mga opisyal ng MIAA bilang parte ng paghahanda sa long holiday sa Abril.
Moira Encina