1.2M pasahero, inaasahang dadagsa sa NAIA mula Oct. 27 – Nov. 6 dahil sa holiday at BSKE – MIAA
Tinatayang 1.2 milyong pasahero ang inaasahan ng Manila International Airport Authority (MIAA) na dadagsa sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bunsod ng holiday at Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay MIAA OIC Bryan Co, ang nasabing bilang ng mga pasahero ay para sa loob ng 10 araw o simula sa Biyernes, Oktubre 27-Nobyembre 6, 2023.
Tiniyak naman ni Co na manageable ang 1.2 milyon na pasahero na katumbas ng 120,000 pasahero kada araw para sa 10-day period.
Inaasahan nila ang “heavy outbound” o departure ng mga pasahero mula Manila mula Oktubre 27-29.
Pagsapit naman aniya ng Nobyembre 4-6 ay inaasahan nila ang peak ng arrival o pagdating ng mga pasahero galing sa mga probinsiya o bakasyon.
Sinabi ni Co na umabot na sa 33.7 milyon pasahero ang kanilang naitala sa NAIA para sa unang tatlong quarter ng 2023.
Mas mataas aniya ito ng 59% kumpara sa parehong panahon noong 2022 at lagpas na sa passenger volume sa buong 2022.
Tiniyak naman ng MIAA na normal ang security conditions sa paliparan at walang mga banta batay sa assessment ng mga security agency.
Nag-inspeksyon naman ngayong umaga ang mga opisyal ng MIAA para masiguro ang kahandaan sa Terminals 1, 2, at 3.
Moira Encina