1.5 milyong indibidwal kada araw na quota na mababakunahan kontra Covid-19, ipinauubaya ng Malakanyang sa NTF
Bahala na ang National Task Force (NTF) na gumawa ng kaukulang hakbang para maabot ang hinahangad na 1.5 milyon kada araw ang mababakunahan laban sa COVID-19 sa bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na ang pagpapatupad ng vaccination rollout ay nasa kamay ni NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez.
Ayon kay Roque, suportado ng Malakanyang ang mungkahi ng Department of Health na itaas sa 1.5 milyon kada araw ang matuturukan ng anti-COVID-19 vaccine mula sa dating 500,000 tao kada araw upang mapabilis ang pagkamit ng herd immunity.
Inihayag ni Roque sa ngayon walang nakikitang kakulangan sa supply ng anti COVID 19 vaccine dahil patuloy na dumarating ang suplay ng bakuna mula sa donasyon ng COVAX facility ng World Health Organization kasabay ng mga bakunang binili ng pamahalaan at mga pribadong kumpanya.
Niliwanag ni Roque nasa mahigit 24 million na ang fully vaccinated o katumbas ng 32 percent ng total population ng bansa at mahigit 80 percent ang fully vaccinated sa National Capital Region.
Vic Somintac