1 patay, 9 sugatan sa NBP; hinihinalang bangkay ng nawawalang PDL, posibleng nasa septic tank
Isang preso ang kumpirmadong patay at siyam na iba pang inmates ang sugatan sa gulo sa Maximum Security Compound sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.
Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) OIC Deputy Director General for Operations Angelina Bautista, nangyari ang insidente bandang 9:00 ng gabi ng Martes, July 25.
Nag-ugat ang pangyayari sa away ng dalawang preso na miyembro ng Batang City Jail at Bahala Na gang sa Quadrant 3.
Pero nang magkaayos naman aniya ang dalawang inmates ay may isang PDL ang nagpaputok ng kalibre 45 baril.
Siyam na preso ang sugatan makaraang tamaan ng bala habang isa ang namatay matapos na saksakin ng ice pick.
“So ngayon doon sa pagpapaputok niya, may siyam na nagtakbuhan po, so may siyam po na injured pero di po fatal at may isang namatay..yun pong namatay dahil nasaksak po ng ice pick kaya iniimbestigahan natin kung magkaibang issue ang nangyari kagabi “ ani Bautista.
Dinala sa NBP Hospital ang anim habang ang tatlo ay isinugod sa ibang pagamutan sa labas ng Bilibid.
Hindi naman aniya kritikal ang sugat ng siyam.
Pero may isang preso ang namatay matapos na saksakin ng ice pick ng kapwa PDL.
Iniimbestigahan pa ng BuCor kung paano nakapuslit ang baril at kung konektado ba ang mga away.
Naka-isolate na ang PDL na nagpaputok ng baril at inaalam na kung ang baril na narekober sa lugar ay ang ginamit nito.
“Hindi po ito riot, ang riot po kasi bakbakan ng lahat ng pangkat at maraming involved personal po pagtatalo po ang nangyari dito” giit ng BuCor OIC.
Samantala, dumating na sa Bilibid ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) Forensics Division makaraang madiskubre ang posibleng bangkay ng nawawalang PDL sa septic tank sa Dormitory 8, Quadrant 3 ng Maximum Security Camp.
Sinabi ni Bautista na kukumpirmahin ng NBI kung may bangkay sa septic tank at kung ito ba ay ang nawawalang PDL na kinilalang si Michael Angelo Cataroja na una nang napaulat na nawawala noong July 15.
Aniya, hiningi ng BuCor ang tulong ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa paghanap ng preso.
Nagsagawa aniya ng paneling sa Bilibid ang K9 Unit ng PCG mula July 20 hanggang July 25.
Sinabi ni Bautista na ang septic tank ang isa sa dalawang lugar na itinuro ng K9 at ang isa ay ang kisame kung nasaan ang damit ng missing PDL.
May hinala naman ang BuCor na may iba pang bangkay o ginawang mass graveyard ang septic tank sa mga nakaraan base na rin sa mga impormasyon mula sa PDLs.
Sa ngayon ay patuloy ang paghukay sa septic tank.
“Di pa sya natatagpuan as per report Coast guard July 20 to 25 sila nagpanel, gumamit ng search and rescue dogs para ma-trace buhay man o patay, so 2 po yung na-indicate nung aso, una sa kisame yung damit niya, pangalawa sa septic tank” paliwanag pa ni Bautista.
Moira Encina