1 patay habang 55 sugatan sa gumuhong simbahan sa Bulacan
Termite damage o inanay na kahoy ang naging sanhi ng pagbagsak ng mezzanine o bahagi ng second floor ng isang lumang simbahan sa San jose Del Monte city Bulacan kahapon.
Ayon kay Gina Ayson, pinuno ng City Disaster Risk Reduction Management Office o CDRRMO, ang ikalawang palapag ng simbahan na yari sa kahoy, ang nag-collapse at bumagsak habang isinasagawa ang isang religious event doon na dinaluhan ng maraming tao.
Isa ang patay sa insidente na nakilalang si Luneta Morales, 80 years old.
Apat naman sa limampu’t limang nasugatan ang nananatiling nasa kritikal na kundisyon habang ang limampu’t isa ay nakauwi na.
Kabilang sa mga nasa kritikal na kalagayan ay isang 82 years old na nagtamo ng multiple fractures, isang 70 year old na may leg fracture, 64 years old na nakaranas ng hypertension at isang 49 years old na nagkaroon ng fracture sa kaniyang pulso.
Pansamantalang ipinasara ng SJDM Local Government Unit ang simbahan habang isinasagawa ng City Engineering at building officials ang assessment sa gusali.
Samantala, sinagot ng City government ang gastusing medikal ng mga biktima.
Earlo Bringas