10 akusado sa Degamo killing, bumaligtad na; pagbasura sa kaso hiniling sa korte
Lima pang akusado sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa ang umurong sa kanilang naunang testimonya na umaamin ng kanilang papel at nalalaman sa krimen.
Kinumpirma ni Atty. Jord Valenton, abugado ng mga akusado, ang nasabing desisyon matapos ang pagdinig ng kaso sa Manila Regional Trial Court (RTC).
Sa kabuuan, sampung suspect-witness nasa Degamo killing na unang umamin sa krimen at nagturo kay suspended Congressman ArnolfoTeves Jr. at Marvin Miranda ang naghain ng recantation o salaysay ng pag-urong.
Sinabi ni Atty. Valenton, tinorture at pinilit umano ang kaniyang mga kliyente na sina Joric Labrador, Benjie Rodriguez, Eulogio Gonyon Jr., John Louie Gonyon, at Winrich Isturis.
Nauna nang bumaligtad ang lima pang suspect na sina Jhudiel, Joven Javier, Dahniel Lora, Rogelio Antipolo Jr., at Romel Pattaguan.
Babasahan sana ng sakdal ang mga akusado sa Manila RTC nitong Miyerkules, May 31, ngunit ipinagpaliban ito sa July 19 para dinggin ang mga mosyon ng mga akusado.
Tanging ang DOJ panel of prosecutors at ang mga abogado ng mga akusado ang humarap nang pisikal.
Dumalo online ang mga suspek na nasa kustodiya ng NBI.
“Pinilit lang sila, pinapirma lang silang confession pero that’s not voluntary… all five of them nag-recant,” pagdidiin ni Atty. Valenton.
Bukod sa recantation, naghain din ang nasabing limang akusado ng motion to quash dahil sa umano’y iligal na pag-aresto sa kanila.
Kabilang sa naghain ng nasabing mosyon para ibasura ang kaso at motion to suppress evidence ang kampo ni Marvin Miranda na itinuturo na umanoy kapwa mastermind sa krimen.
“This is akin to dismiss the case, basically, not to dwell to the merit of the case because of subjudice rule, we are alleging there’s illegality of arrest,” paglilinaw ni Atty. Reynante Orceo, abugado ni Marvin Miranda.
Naghain naman ng motion to remand at motion to quash si Atty. Danny Villanueva na abogado ng lima pang ibang suspek para ibasura ang kaso at ibalik ang pagdinig sa DOJ.
“The DOJ was directed to submit their comment or opposition within 15 days after which the court will resolve whether the case will be remanded to the DOJ or not,” paliwanag ni Atty. Villanueva.
Samantala, nanindigan naman si Justice Secretary Crispin Remulla na hindi iligal ang pag-aresto sa mga akusado.
“No illegal arrest, why there should be? The government has resources to arrest suspects. We used that resources to look for these suspect and it took a lot of manhunt, hours of sleepless nights on the part of pursuing parties,” pagdidiin ni Remulla.
Naniniwala si Remulla na si Miranda ang humikayat sa iba pang akusado na bumaligtad matapos na maging abogado si Atty Orceo na dating DOJ undersecretary.
Tiwala naman ang kalihim na hindi magpapahina sa kaso ang recantation ng mga suspek dahil marami pa silang hawak na pisikal na ebidensya at iba pang testigo.
“So somebody is orchestrating it, may spin doctor na gumagamit ng resources para sirain ang istorya ng gobyerno…That recantations will not defeat the case of the government, the governmentis doing this for the Filipino people not for a rich individual who is a gambling lord with easy money,” dagdag pa ni Remulla.
Moira Encina