10 Korporasyon at negosyante kinasuhan ng BIR ng Tax evasion sa DOJ dahil sa hindi binayarang buwis na mahigit 200 milyong piso
Ipinagharap ng reklamong Tax evasion sa DOJ ng BIR Quezon City ang 10 korporasyon at negosyante dahil sa mahigit 200 milyong pisong utang sa buwis.
Una sa kinasuhan ay ang contractor at installer ng glass products na Glastar Incorporated at ang presidente nito na si Paul Tansiongkun dahil sa 50.95 million pesos na hindi binayarang buwis noong 2013.
Sinampahan din ng kaso ng BIR ang Trackworks Rail Transit Advertising, Vending and Promotions Incorporated at ang CEO at President nito na si Joselito P. De Joya dahil sa tax liability nito noong 2010 na 10.83 million pesos.
Hinahabol din ng BIR ang RY03 Incorporated at presidente nito na si Roberto G. Agustin dahil sa bigong mabayarang buwis noong 2010 na 14.82 million pesos.
Inireklamo rin ang M.R. Serve and Trade Company at managing partners nito na sina Rodgerto F. Tobias at Mario M. Lazaro dahil sa tax deficiency na 9.09 million pesos noong 2008.
Kabilang pa sa kinasuhan ang Asian Sentinels Incorporated dahil sa utang sa buwis na 6.72 million pesos noong 2010; Yuseo Marketing and Enterprises na 22.57 million pesos at Reyes Hair Company International Inc. na 2.57 million pesos noong 2008.
Kasama pa sa inireklamo ng BIR ang mga negosyanteng sina Ricardo Llarena Marmol na may tax liability na 19.11 million pesos, Paulino Medallion Villanueva na 68.48 million pesos at Bernard Garcia Landicho na 6.08 milyong piso.
Ulat ni Moira Encina