10 milyong pisong pabuya inalok ng Malacañang para sa ikakaaresto ni dating PNP-AIDG OIC Eduarto Acierto- ayon sa DOJ
Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nag-alok ng sampung milyong pisong bounty o pabuya ang Malacañang para sa ikadarakip ni dating PNP -AIDG OIC Eduardo Acierto na isa sa mga akusado sa kaso ng mga naipuslit na magnetic lifters na may nakatagong mga shabu.
Ayon kay Guevarra, hindi niya alam kung saan kukunin ang nasabing pabuya pero mayroon namang intelligence fund ang Palasyo na maaring pagkuhanan nito.
Sinabi ng kalihim na nakatuon ang DOJ sa pag-aresto kay Acierto.
Tiniyak din ni Guevarra aarestuhin nila ang mga taong nanganganlong at nagpoprotekta kay Acierto at agad na isasalang sa inquest proceedings.
Una nang lumutang noong Marso si Acierto kung saan inakusahan nito ang Chinese businessman na si Michael Yang na naging consultant ng Malacañang na nasa likod ng nadiskubreng Davao shabu lab noong 2004.
Ulat ni Moira Encina