10-point Economic agenda ni Mayor Isko Moreno, Inilatag na
Inilatag na ni Manila mayor at Presidential candidate Isko Moreno ang kanyang 10 point economic agenda sakaling palarin na manalo sa May 9 elections.
Kabilang na rito ang pabahay, edukasyon, paggawa at trabaho, kalusugan, turismo, imprastraktura, Digital transformation at industry 4.0, agrikultura, good governance, at smart governance.
Tiniyak rin nito na gagawing prayoridad ang malinaw na pandemic response roadmap para maprotektahan ang mga filipino sa COVID-19 bago matapos ang taon para tuluyan ng mabuksan ang ekonomiya ng bansa at masiguro ang kahandaan sa mga susunod na pandemya na maaaring dumating.
Para naman sa pabahay, sinabi ni Mayor Isko na kung papalaring maging Pangulo, ilalaan ng gobyerno ang 1.3% ng gross domestic product para sa pabahay kada taon.
Irereplicate daw niya ang vertical housing na kanyang nasimulan sa Maynila sa mga lungsod na malapit sa trabaho.
Target rin niyang makapagpatayo ng karagdagang public hospitals at mga Health care center sa buong bansa.
Para naman masolusyunan ang problema sa traffic, pagtatayo ng mas maraming kalsada ang solusyon ni Mayor Isko.
Isusulong rin daw nya ang pagtatayo ng “tourism highways” para makatulong na mas mapalakas pa ang turismo ng bansa.
Kasama rin sa kanyang plataporma ang pagpapatmbuti sa physical connectivity ng Luzon, Visayas, at Mindanao.
Madz Moratillo