10 Siyudad, isinama ng IATF sa prayoridad sa distribusyon ng anti-Covid vaccines
Isinama na ng Inter-Agency Task Force o IATF ang 10 ciudad sa bansa na bibigyang prayoridad sa distribusyon ng bakuna laban sa COVID-19 maliban sa NCR Plus.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na ang 10 lungsod ay kinabibilangan ng Bacolod, Iloilo, Baguio, Cagayan de Oro, Zamboanga, Dumaguete, Tuguegarao, General Santos, Naga at Legaspi.
Ayon kay Roque ang mga nabanggit na lugar ay kinakitaan ng pagtaas ng kaso ng COVID 19.
Inihayag ni Roque na maliban sa mapapabilang ang nasabing mya siyudad sa priority list sa anti COVID 19 vaccine distribution, palalakasin din ng IATF ang kanilang hospital response sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga karagdagang equipment gaya ng ventilators at respirators na magagamit sa mga matinding tinamaan ng sakit.
Niliwanag ni Roque, ang pagbabakuna pa rin ang nakikitang solusyon ng pamahalaan para tuluyang makontrol ang paglaganap ng COVID 19 sa bansa.
Vic Somintac