P100-M halaga ng smuggled products, face masks at pekeng gamot, nasabat sa Maynila
Aabot sa 100 milyong pisong halaga ng iba’t-ibang smuggled na produkto ang nasabat ng mga awtoridad sa ginawang raid sa isang warehouse sa Tondo, Maynila.
Sa pagtutulungan ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BOC), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Coast Guard (PCG), nasabat ang iba’t-ibang produkto na may tatak ng pawang luxury brands.
May mga nakita rin silang hindi rehistradong face shields, facemasks, mga pekeng gamot at pekeng sabon sa nasabing storage facility.
Ilan sa nakumpiskang face mask ay may brand na AIDELAI na una ng nakasama sa advisory ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi rehistrado sa kanila.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung sino ang nasa likod nito para masampahan ng kaso.
Kabilang sa mga kasong maaaring kaharapin ng mga responsable ay ang paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Intellectual Property Law of the Philippines.
Madz Moratillo