11 hikers patay matapos sumabog ang isang bulkan sa Indonesia
Labing-isang hiker ang natagpuang patay ngayong Lunes at labingdalawang iba pa ang nawawala, matapos sumabog ang isang bulkan sa Indonesia, at nagkukumahog naman ang rescuers na maibaba ng bundok ang mga nakaligtas at mga nasaktan.
Magdamag na nagtrabaho ang mga rescuer upang hanapin ang dose-dosenang hikers na na-stranded sa Mount Marapi sa isla ng Sumatra, makaraang magbuga ito ng ash tower nitong Linggo, tatlong libong metro o 9,340 talampakan, mas mataas pa kaysa sa mismong bulkan.
Ang mga patay na hiker ay nakita malapit sa Marapi crater, matapos magpaulan ng abo ang 2,891-metrong bulkan sa mga kalapit na village ayon sa isang local rescue official.
Aniya, labingdalawa ang nawawala, tatlong iba pa ang natagpuang buhay at 49 ang ligtas na naibaba mula sa crater, na ang ilan ay may mga paso at bali.
Ayon sa local rescue agency chief na si Abdul Malik, na nagsabing nasa 120 rescuers ang kasama sa search team, “They are being carried down manually, rescuers are taking turns bringing them down. We can’t do an air search with a helicopter because the eruption is ongoing.”
Aniya, ang tatlo kataong nakitang buhay na hindi pa naibaba sa bundok kasama ng labing-isang patay, ay nasumpungan malapit sa crater, nanghihina at ang iba ay may paso.
Sinabi ng local rescue agency spokesperson na si Jodi Haryawan, “Rescue efforts had been broken up by sporadic eruptions but the search was still going despite the risks. Once it was safer, they continued the search. So the search was not halted.”
Ayon naman kay Rudy Rinaldi, head ng West Sumatra Disaster Mitigation Agency, na ilan sa mga nailigtas na hikers ay may paso. Ang mga nasaktan aniya ay yaong mas malapit sa crater.
Batay sa talaan mula sa Basarnas, isang national search and rescue agency, hindi bababa sa walo katao ang nagtamo ng paso, ang isa ay may paso at bali at ang isa ay may sugat sa ulo.
Ani Ahmad Rifandi, isang opisyal sa Mount Marapi monitoring station, na naobserbahan ang ash rain matapos ang pagsabog na umabot sa Bukittinggi, ang pangatlong pinakamalaking siyudad sa West Sumatra na may populasyon na higit sa 100,000.
Ang makapal na usok at abo ay tumakip sa araw pagkatapos ng pagsabog, tinabunan ang mga nakaparadang sasakyan, scooters at mga ambulansiya sa di-kalayuan.
Ang Marapi ay nasa second alert level sa four-step system ng Indonesia, at ang mga awtoridad ay nagpatupad ng isang three-kilometer exclusion zone sa paligid ng crater.
Ang Indonesia ay nasa Pacific Ring of Fire, at mayroong halos 130 aktibong mga bulkan.