116,000 health worker sa NCR, nagparehistro para sa unang COVID-19 vaccine doses
Nagparehistro na ang may 116,000 health care workers sa Metro Manila, para sa Phase 1 ng masterlisting ng mga unang bibigyan ng bakuna laban sa COVID-19 sa bansa.
Sinabi ni Dr. Nikka Hao ng COVID-19 surveillance and quick action unit, inisyal na tala lamang ito dahil marami pa ang madaragdag habang nagpapatuloy ang registration.
Aniya, nasa proseso sila ng paggawa ng master list para sa group a1 o lahat ng manggagawa sa frontline health services.
Ipinaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na ang frontline heath workers ang top priority sa listahan, dahil sila ang mas lantad sa COVID-19 dahil sila ang nag-aasikaso sa mga maysakit.
Sunod sa listahan ang senior citizens, dahil sila ang grupo na may pinakamataas na fatality rate.
Ayon kay Vergeire, ang vaccine masterlist ay matatapos sa Feb. 15.
Ang pagbabakuna laban sa COVID-19 ay nakatakdang simulan ngayong buwan.
Ang pagdating ng first batch ng bakuna ay nakatakda naman sa ikatlo at ika-apat na linggo ng Pebrero, kung saan 117,000 doses ang galing sa Pfizer, habang ang karamihan ay magmumula naman sa Astrazaneca.
Ang dalawang bakuna ay kapwa bahagi ng World Health Organization (WHO) COVAX Facility.
Sinabi naman ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. Na may tatlong milyong COVID vaccine doses ang darating ngayong Pebrero.
Liza Flores