117,000 doses ng COVID-19 vaccines mula Covax, darating ngayong Pebrero
Aabot sa 117,000 doses ng COVID-19 vaccines ang nakatakdang dumating ngayong buwan ng Pebrero mula sa Covax facility.
Sa virtual press conference, sinabi ni World Health Organization (WHO) Country Representative Dr. Rabindra Abesayinghe na ang unang batch ng bakuna na ito ay inaasahang darating sa ikalawa o ikatlong linggo ng Pebrero.
COVID-19 vaccine ng Pfizer BioNTech aniya ang bakuna na darating ngayong buwan.
Bukod sa may Emergency Use Authorization (EUA) na kasi ang Pfizer mula sa Food and Drug Administration (FDA) ay kasama na rin ito sa Emergency Use Listing ng WHO.
Inaasahang masusundan naman ang delivery ng bakuna mula sa Covax ang mula sa AstraZeneca na maaari aniyang dumating sa katapusan ng buwan o sa Marso.
Bagamat may EUA na kasi mula sa FDA ang AstraZeneca ay wala pa itong EUL mula sa WHO.
Ayon kay Abesayinghe, patuloy pa rin ang ginagawang review ng WHO sa mga dokumento ng AstraZeneca.
Bukod dito, kabilang din sa pinag-aaralan ng WHO para makasama sa kanilang EUL ay ang mga bakuna ng Moderna at Sinovac.
Ayon kay Abesayinghe, 44 milyong doses ng bakuna ang tatanggapin ng Pilipinas mula sa Covax.
Para sa 20 percent ng populasyon ng bansa ang makukuhang alokasyong bakuna ng Pilipinas mula sa Covax, ayon sa DOH, ang 15 percent rito ay libre at ang 5 percent lamang ang babayaran ng gobyerno.
Umapela naman ang WHO sa gobyerno na sa oras na dumating na ang mga bakuna ay unahin ang mga Healthcare worker na nagbubuwis ng buhay sa laban sa COVID-19 pandemic at isunod ang mga may commorbidities at matatanda na pawang kabilang sa vulnerable population.
Madz Moratillo