118th Death Anniversary of Apolinario Mabini (July 23, 1864-May 13, 1903)
Magbalik tanaw tayo sa kasaysayan. Ating gunitain ang ika-118 taon ng kamatayan ngayong Mayo ng isa sa ating mga bayani, ang Dakilang Lumpo, si Apolinario Mabini.
Ayon kay G. Eufemio Agbayani III, Historical Sites Development Officer II mula sa National Historical Commission of the Philippines marami ang naging kontribusyon ni Mabini sa ating bansa.
Nakilala si Mabini bilang utak ng himagsikan at mahusay na tagapayo ni Emilio Aguinaldo. Sa isinulat niyang “El Verdadero Decalago” idinetalye niya kung paano dapat mabuhay ang mga Filipino.
At habang binubuo ang pamahalaang Pilipinas ay gusto niyang makamit ang demokrasya at pagkakapantay-pantay ng bawat isa.Adhikain niya na maging proud ang mga Filipino sa kaniyang lahi at sa kaniyang sariling bayan.
Bago pa man siya maging miyembro ng gabinete ni Aguinaldo, nakatulong na si Mabini sa propaganda movement.
Ayon sa kaniya, kailangan ng moral guidance ng mga mamamayan upang matiyak kung anong klaseng bansa ang nais nating likhain.
Si Mabini rin ay nakipaglaban para sa karapatan ng mga taong may kapansanan. Nakaranas siya ng hindi tamang pagtingin dahil sa kanyang kapansanan noong panahon niya na naging dahilan upang hindi makuha ang posisyon bilang chief justice.
Isinulong din niya na magkaroon ng maayos na representasyon ang mga Fiipino sa ibang bansa. Si Mabini ang unang itinalagang kalihim ng ngayon ay Department of Foreign Affairs.
Pero bukod dito, maraming magagandang katangian si Apolinario na dapat nating tularan. Una na rito ay ang pagkakaroon ng matibay na determinasyon.
Mula sa mahirap na pamilya ay nagpursige siyang makatapos ng pag-aaral ng abogasya. At habang nag-aaral ay humanap siya ng maaring pagkakitaan upang masuportahan din ang kaniyang pangangailangan.
Si Mabini ay mayroon ding matatag na paninindigan para sa bayan. Kahit na naipatapon siya sa Guam ay patuloy niyang binatikos ang mga dayuhang sumakop sa ating bansa sa pamamagitan ng pagsusulat sa pahayagan.
At higit sa lahat si Mabini ay mapagmamahal sa pamilya.
Sa pagnanais ng kanyang ina na mabigyan siya ng maayos na damit para sa kanyang pagtatapos sa abogasya, ibenenta nito ang lahat ng ani ngunit hindi ito naging sapat.
Barya lang ang naging katumbas nito na ibinigay niya kay Mabini. Hanggang sa pumanaw ang kanyang ina, ang baryang iyon ay laging dala ni Mabini saan man maparoon upang alalahanin ang sakripisyong ginawa ng kaniyang ina para sa kaniya.
Ngayong buwan ng Mayo ay muli sana nating maalala ang kadakilaan ni Apolinario Mabini at ang kaniyang mga nagawa.