12 crew ng isang towing vessel mula Indonesia, nagpositibo sa Covid-19
Labindalawang crew mula sa isang towing vessel at barge mula sa Indonesia na dumating sa Butuan City, Agusan del Norte nitong nakaraang linggo at ngayo’y patungo naman sa Albay ang nagpositibo sa Covid-19.
Ayon sa Philippine Coast Guard, batay sa report sa kanila, ang towing vessel na MT CLYDE at barge na CLAUDIA ay dumating sa Port of Butuan sa Butuan City mula Indonesia noong Hulyo 14.
Pagdating sa pantalan, sumailalim ang mga crew nito sa RT-PCR test.
Agad rin naman itong umalis sa Butuan kinabukasan.
May sakay itong 8 libong metriko tonelada ng steam coal at patungong Lidong Port, Sto. Domingo, Albay.
Ayon sa PCG, isang text message ang natanggap kahapon ng kanilang PCG Station sa Albay mula sa kapitan ng barko na 12 crew nito ang nagpositibo sa Covid-19.
Nalaman lang umano nila na sa 12 sa kanilang crew ay positibo sa virus habang naglalayag patungong Albay.
Lahat naman ng ito ay asymptomatic at nasa maayos na kondisyon umano.Pero, isa sa mga nagpositibo nitong crew ang bumaba sa Butuan City kaya sa ngayon ay 11 positibong crew nalang ang sakay nila.
Tiniyak naman umano ng kapitan ng barko na hindi sila basta bababa ng walang pahintulot.
Inaasahang darating ang barko sa Lidong Port sa Albay bukas ng hapon.
Tiniyak naman ng PCG ang mahigpit na monitoring sa sitwasyon ng nasabing barko.
Nakikipag-ugnayan na rin sila sa Inter-Agency Task Force Against Covid 19 sa Bicol para sa gagawing hakbang.
Madz Moratillo