12 indibidwal arestado ng NBI dahil sa sinasabing illegal quarrying sa Mabalacat, Pampanga
Timbog ng mga tauhan ng NBI- Environmental Crime Division ang 12 indibidwal dahil sa sinasabing illegal quarrying sa Mabalacat, Pampanga.
Kinilala ng NBI ang mga inaresto na sina John Patrick Reyes, Jhun Murillo , Francis Pangilinan,John Michael Malias,Egilberto San Pascual, Ronald Lisangan, Edcel Ruiz, Vincent Canlas, Aldrin Anson, Jomar Nazar, Christopher Moreno at Joel Ong.
Ikinasa ng NBI ang operasyon na humantong sa pagkakaaresto sa mga suspek matapos makatanggap ng intelligence information na mayroong quarrying activities na walang kinauukalang permits sa Mabalacat City.
Bago ito ay nagsagawa ng surveillance operation ang NBI sa Brgy. Sapang Balen kung saan nakita ang iligal na extraction ng lahar materials sa lugar ng Guillermo Gamez Quarry.
Kinumpirma naman ng DENR- Mines and Geosciences Bureau 3, Environmental Management Bureau 3, at Provincial Environment and Natural Resources Office – Pampanga na hindi otorisado at walang permiso ang kumpanya sa pag-extract ng mga lahar materials.
Isinalang na sa inquest proceedings sa DOJ ang mga suspek kung saan sila ay sinampahan ng mga reklamong theft of minerals sa ilalim ng RA 7942.
Moira Encina