12 opisyal ng NHA, inirekomendang makasuhan ng PACC kaugnay ng anumalya sa Yolanda permanent housing program
Labindalawang opisyal ng National Housing Authority ang inirekomenda ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na makasuhan sa Office of the Ombudsman kaugnay ng mga umano’y anomalya sa programa ng permanenteng pabahay para sa mga survivor ng Super typhoon Yolanda.
Ayon sa PACC, batay sa kanilang ginawang imbestigasyon, sa Eastern Samar pa lang ay napakalaki na ng nakita nilang anomalya kung saan daan-daang milyon ang sangkot na halaga.
Batay umano sa kanilang imbestigasyon, ang kontrata para sa pagtatayo ng 2,559 housing units sa 4 na munisipalidad sa Eastern Samar ay napunta sa sole contractor na JC Tayag Builders Inc.
Nagkakahalaga ang nasabing proyekto ng 741.53 milyon.
Pero matapos umano ang 2 taon mula ng mai-award ang notice to proceed…. 36 housing units lang o 1.41% ng awarded units lang ang naitayo gayong ang kontrata para sa pagpapatayo ng mga bahay ay natapos noong November 27,2017.
Sa imbestigasyon ng PACC, lumilitaw na nasa 207.2 milyon ang naibayad sa JC Tayag Builders sa kabila ng hindi naman ito nakasunod sa obligasyon nito sa kontrata.
Sinabi naman ni Atty. Eduardo Bringas ng PACC na kasama rin sa kanilang inaalam ay kung may kaugnayan ang anomalya na ito sa halalan o kung may pondo para sa Yolanda housing ang nagamit sa halalan noong 2016 at kung sino sino pa ang mga opisyal na sangkot rito.
Tiniyak naman ng PACC na tuluy-tuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon sa iba pang lugar na mayroong housing project para sa mga biktima ng Yolanda.
Ulat ni Madz Moratillo