13 aplikante para sa nabakanteng Associate Justice post sa Korte Suprema, pasok sa shortlist ng JBC
Umabot sa 13 aplikante para sa nabakanteng Associate Justice post ng Korte Suprema ang pasok sa shortlist ng Judicial and Bar Council (JBC).
Ito ay para sa iniwang puwesto ni Associate Justice Francis Jardeleza na nagretiro noong September 26.
Karamihan sa mga kabilang sa shortlist ay mga mahistrado ng Courts of Appeals.
Kasama sa mga ito sina CA Justices Apolinario Bruselas Jr., Ramon Cruz, Edgardo Delos Santos, Japar Dimaampao, Samuel Gaerlan, Ramon Garcia, Jjhosep Lopez, Mario Lopez, Maria Filomena Singh, Edwin Sorongon at Elihu Ybañez.
Nasa shortlist din si Court Administrator Jose Midas Marquez at Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang.
Isusumite ng JBC sa Malacañang ang shortlist para pagpilian ni Pangulong Duterte ng susunod na mahistrado ng Supreme Court.
Samantala, sasalang sa public interview ng JBC ngayong araw ang apat na aplikante para sa posisyon ng Punong Mahistrado.
Alas- 9:00 ng umaga nakatakdang simulan ang public interview kung saan ang unang haharap sa JBC ay sina SC Justices Diosdado Peralta at Jose Reyes Jr.
Mamayang alas-2:00 ng hapon naman naka-schedule sina SC Justices Andres Reyes Jr., at Estela Perlas Bernabe.
Ulat ni Moira Encina