139 cruise ships inaasahang dadaong sa bansa ngayong taon
Dumating sa South Harbor sa Maynila noong Miyerkules ang mahigit 300 dayuhang pasahero na sakay ng Silver Spirit Cruise ship.
Ayon sa Department of Tourism (DOT), karamihan sa mga turista ay mula sa Amerika at Europa na may edad 50 hanggang 70 taong gulang.
Sinalubong ang luxury cruise ship passengers ng kilalang Pinoy hospitality tampok ang Ati-atihan ng Kalibo, Aklan at Higantes ng Angono, Rizal.
Pinangunahan nina Tourism Secretary Christina Frasco at Manila Mayor Honey Lacuna ang grand welcome reception sa mga pasahero bilang pagsuporta sa muling pagsisimula ng cruise tourism sa Pilipinas matapos na mahinto ng tatlong taon.
Ang Silver Spirit Cruise ship ang isa sa mga pinakauna na dumaong na cruise lines sa bansa ngayong taon.
Naniniwala ang tourism chief na malaki ang maitutulong ng cruise tourism para maabot ang target tourism revenue ngayong taon maliban sa dagdag na ikabubuhay ng mga nasa sektor ng turismo.
Nagpapatunay aniya ang pagdating ng cruise ship ng kumpiyansa sa turismo sa bansa.
Lulan din ng cruise ship ang mahigit 400 crew kabilang ang 181 Pilipino na tinawag ng kalihim na tourism ambassadors
Sinabi ni Frasco na ngayong 2023 ay 139 ports of call o cruise ships ang inaasahang dadaong sa Pilipinas.
Mas marami ito kumpara sa 102 cruise ships noong 2019 o bago ang pandemya.
Mula sa nasabing cruise calls, tinatayang 117,000 pasahero ang darating para lumibot sa 46 tourist destinations sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Tinatayang US$ 100 sa kada pasahero ng cruise ships ang kikitain ng bansa o nasa mahigit $US 11 milyon ngayong 2023.
Moira Encina