14 na Vape shops sa Maynila, ipinasara…14 katao arestado dahil sa paggamit ng vape sa pampublikong lugar
Aabot na sa labing apat na vape shops sa lungsod ng Maynila ang naipasara, sa Anti-Vape Campaign sa lungsod.
Sa panayam kay Manila Police District o MPD spokesperson Lt. Col. Carlo Manuel, sa pinaka-huling datos ng MPD, ang 14 na vape shops ay ipinasara dahil walang business permits.
Mayroon ding higit sa dalawampung tindahan na binalaan o “warned.” Aabot naman sa labing pitong indibidwal ang naaresto dahil sa paggamit ng vape sa pampublikong lugar, habang labing anim ang nakumpiskang vape.
Sinabi ni Manuel na halos lahat ng vape shops sa Maynila ay binibisita ng mga tauhan ng MPD.
Kahit aniya ang mga tindahan ng vape sa loob ng mga mall ay dinadalaw ng mga pulis-Maynila.
Sa huling bilang, ayon kay Manuel, aabot na sa apatnapung vape shops sa loob ng malls ang nabisita at ininspeksyon.
Ang kampanya laban sa vape sa Maynila ay hindi lamang pagtalima sa “vape ban” na utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa katunayan, sa lungsod ng Maynila ay may Ordinance number 8521-2017, na nagbabawal sa paggamit ng vape sa loob ng mga gusali ng city government, at kahit sa compound ng mga ito; at mga pampublikong lugar na hindi tukoy na designated area para sa paninigarilyo o pagve-vape.
Ang parusa sa unang offense ay P2,000 na multa o isang araw na pagkakakulong o pareho; sa ikalawang paglabag naman, P3,000 na multa o dalawang araw na pagkakakulong o parehong parusa; at sa ikatlong offense, P5,000 na multa o tatlong araw na pagkakapiit o parehong parusa.
Ulat ni Madz Moratillo